Sanaysay tungkol sa Siglo ng Pagluluwal

BY: MA. ALAINE PERCENITA ALLANIGUE

Natagpuan kong muli si Fellini

Sa pelikulang Siglo ng Pagluluwal, maihahalintulad ang papel ng direktor sa isang pelikula ni Federico Fellini na 8 ½ na aking napanood dati. Pinakita rito na ang direktor ay nasa sitwasyon kung saan hindi niya alam kung paano tatapusin ang kanyang pelikula o obra. Pagdating sa katapusan nito ay parehong mayroong ding pananaw ng pag-asa sa kaayusan at kapayapaan sa gitna ng kalituhan o paghahanap sa ninanais. Narito rin ang mga eksenang pelikula sa loob ng pelikula at paghahalo ng realidad sa imahenasyon. Sa ganitong paraan maipapaliwanag ang realidad, ito ay maaari ding likhain ng tao batay sa kanyang imahenasyon at pagtanggap sa katotohanan.

Pakikipagsapalaran para mahanap ang katotohanan

Sa aking pananaw sa pelikula, ito ay nagpapakita ng pagsusumikap ng mga karakter o tauhan para mahanap ang katotohanan. Bawat tauhan sa kwento ay may kaniya-kaniya ring kahulugan sa katotohanan. Kung susuriin natin, ganito ang tao, kadalasan ay naghahanap sila ng katotohanan ngunit maaaring ang hinahanap nila ay ang nais nilang maging kahulugan para sa katotohanan. Marahil isa rin sa dahilan kung bakit patuloy sa paghahanap ang isang tao sa katotohanan ay dahil sa hindi lamang nila matanggap ang katotohanang natatamasa nila kaya’t maaari itong mauwi sa kabaliwan. Sa kabilang banda, aniya nga ng karakter na si Angel Aquino, may dalawang pilian lamang ang direktor sa kwento, ito ay ipresenta kaniyang pelikula sa kung ano ito o ibaon sa limot. Sa kamatayan rin maaaring mauwi ang lahat na makikita sa tauhang ni Amang Tiburcio na hindi matanggap ang katotohanang mawawalay siya sa kaniyang mga minamahal na alagad. At ang babaeng alagad na nagdalang-tao, nabaliw rin siya sa katotohanang wala na siyang tahanang mauuwian o matutuluyan, ang tahanan ng pagmamahal at pagkalinga ay wala narin.

“Long Takes”

Mayaman ang pelikulang Siglo ng Pagluluwal sa tinatawag nilang “long takes” o mahabang eksena na walang putol. Sa aking pananaw, isa sa mga layunin ng paraang ito ay para makabuo ng pagsasalarawan o “photograph experience”. Animo’y tumitingin ka sa isang napaka-laking larawan. At gaya ng pagsuri sa isang larawan, mabibigyan ka ng pagkakataon na igala ang iyong mga mata sa buong imahe ng eksena. Mula sa apat na kanto ng imahe hanggang sa paghahanap ng “subject” ng larawan, madadala ang manonood o tumitingin sa lugar kung saan nais siyang dalhin ng pelikula. Magkakaroon din ito ng realismo gaya ng ginagawa ng Lumiere brothers kung saan ang camera ay nasa isang pwesto lamang at hindi gumagamit ng mga galaw gaya ng zoom, pan at tilt.

Samantala, isang magandang paraan din ito para masubok ang pasensya ng manonood. Tulad ng paghihintay sa isang sanggol na iluluwal, kinakailangan ang mahabang pasenya nang paghihintay sa sanggol na isisilang. Sa paghihintay nabubuo ang kahulugan ng pag-asa o pag-abang. Kung ihahalintulad sa pelikulang ito, nagkakaroon ng pag-abang sa kung anong mangyayari o sa mga kasagutan sa mga tanong ng manonood.

May kaakibat na paghihirap din ang paghihintay na ito, kasabay ng hindi maiiwasang antok, pagod ng mata at katawan, gutom at iba pa, may kapalit din kagandahan ang tiyaga na inialay mo sa panonood ng pelikula. Para naring nadama ng manonood ang mga pagsubok at hirap na dinanas ng isang taong gumagawa ng pelikula para may maipamalas sa tao.

Ang katapusan  

Ang bawat manonood ay may kalayaan na isipin ang kasagutan sa katapusan ng isang pelikula at bumuo ng konklusyon kanyang isipan. Hindi siya makakadena sa mismong ninanais ng isang direktor o manunulat na gumawa ng istorya. Sa ganitong paraan magiging matagumpay ang isang palabas.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s